Inilikas ang 79 na pamilya at pansamantalang nanunuluyan ngayon sa Northville Evacuation Center matapos masunog ang kanilang mga tirahan sa Barangay Lambakin dito.
Agad namang rumesponde ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office III sa pamamagitan ng pamamahagi ng Family Food Packs, Hygiene Kits, at Kitchen Kits upang matulungan ang mga apektadong residente habang sila ay nasa evacuation center.









Ayon sa ahensya, magsisilbing pansamantalang suporta ang mga ipinamahaging ayuda upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga pamilya kasunod ng insidente.
Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa mabilis na pagtugon ng DSWD, na anila’y malaking tulong upang maibsan ang kanilang dinaranas at magsilbing unang hakbang sa kanilang pagbangon mula sa trahedya.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa lokal na pamahalaan ng Marilao upang matukoy at matugunan pa ang iba pang pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya.










