Pinalawig ng Social Security System o SSS ang Housing Loan Penalty Condonation Program o HLPCP hanggang Hunyo 30.
Ayon kay SSS Luzon Central 2 Regional Communication Officer Julie Ann Arellano, nangangahulugan ito na dapat makapagsumite ng aplikasyon ang miyembrong nais magbayad ng amortisasyon sa housing loan sa pamamagitan ng HLPCP bago o sa nabanggit na petsa.
Ito’y upang makatamo ng condonation kung saan ang principal at interes na lamang ang babayaran na wala nang penalties.
Bukas ang HLPCP sa mga miyembro ng SSS na hindi pa nakakapagbayad ng housing loan na kahit gaano katagal.
Ang magiging sistema, kapag naisumite ang aplikasyon upang hindi magbayad ng mga penalties sa ilalim ng HLPCP, dapat bayaran ang 25 porsyento sa kabuuang principal at interes sa loob ng 90 araw habang bibigyan ng SSS ng 24 buwan ang miyembro na mabayaran naman ang kapupunang 75 porsyento.
Kabilang sa mga pasok na uubrang makinabang sa HLPCP, ang mga nakakuha ng Direct Individual Housing Loan Program kung saan kasama ang mayroong Duplex Housing Loan accounts.
Gayundin ang Direct Housing Loan Facility for Overseas Filipino Workers at Worker’s Organization Members.
May 6% na interes na kalakip ang babayaran na principal sa ilalim ng HLPCP.
Binigyang diin ni Arellano na masasabing housing loan delinquent ang isang miyembro ng SSS kung may hindi nababayarang amortisasyon sa nakalipas na anim na buwan.
Sa tala ng SSS Luzon Central 2, may ilang mga miyembro pa na sakop nito na hindi nakakabayad o hindi nakakapagbayad nang regular sa housing loan mula pa noong 1990s.
Tinatayang nasa 72.7 milyong piso na penalties ang ipapawalang bisa na ng SSS habang may inisyal na 33 milyong piso naman ang makokolekta sa ilalim ng SSS Luzon Central 2.
Samantala, tanging maaring bayaran ang mga obligasyon sa housing loans sa ilalim ng HLPCP sa SSS Processing Center sa lungsod ng Tarlac.
Hindi pa tumatanggap sa ngayon ang SSS ng mga bayad tungkol sa housing loans sa kanilang mga branches. (PIA 3)