Search
Close this search box.
Search
Close this search box.

2 Bulakenyong natatanging volunteers ngayong pandemya kinilala

Kinilala ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency ang dalawang Bulakenyong volunteers dahil sa mga natatanging ambag sa paglaban sa pandemya ng COVID-19.

Ginawaran bilang Outstanding COVID-19 Volunteers 2021 si Imelda Lopez at ang Pinagkaisang Lakas ng Kababaihan o PILAK ng Bulakan, Bulacan. (PIA 3)

Kabilang sila sa mga ginawaran ng Outstanding COVID-19 Volunteers 2021 sa bawat rehiyon sa ginanap na National Volunteers Month sa Bulacan State University sa lungsod ng Malolos.

Iginawad kay Imelda Lopez, isang Lingkod Lingap sa Nayon o LLN sa barangay San Jose sa Paombong, ang Outstanding COVID-19 Volunteers 2021 para sa Gitnang Luzon.

Pinangunahan niya ang pagbuo ng COVID-19 Response Team sa unang pagtama ng pandemya noong Marso 2020.

Bukod sa pagiging isang LLN sa nasabing barangay, naglaan din siya mula sa sariling bulsa ng iba’t ibang tulong sa mga kapitbahay at kabarangay na pinakanangangailangan ngayong pandemya.

Kabilang diyan ang pagkakaloob at pamamahagi ng mga kagamitang pang-edukasyon gaya ng pocket Wifi para sa mga mag-aaral na nasa online classes. Nagsagawa rin siya ng feeding program para sa kanila.

Iba pa rito ang kusang loob na pamamahagi ng iba’t ibang uri ng mga hygiene kits, personal protective equipment o PPE at mga gamot sa mga karaniwang residente, mga medical frontliners at mga senior citizen.

Ginawaran din ng Outstanding COVID-19 Volunteers 2021 ang Pinagkaisang Lakas ng Kababaihan o PILAK na nakabase sa bayan ng Bulakan, Bulacan.

Nagkusa ang mga kasapi nito na mabilisang magbalot ng mga food packs na ipinamahagi sa kasagsagan ng pagtama ng pandemya noong Marso 2020.

Nag-ambag-ambag naman ang mga kasapi ng PILAK mula sa kanilang sariling pera para makabili ng mga karagdagang hygiene kits, PPEs at mga gamot na ipinagkaloob sa mga pinaka nangangailangan noong kasagsagan ng mahigpit na lockdown.

Kaugnay nito, pinapurihan ni National Economic and Development Authority OIC-Assistant Regional Director Susana Santiago ang mga ginawaran ng nasabing parangal.

Aniya, maituturing na naapektuhan din ng pandemya ang mga volunteers na ito ngunit hindi nag-atubili at piniling abutin at agapayan ang kapwa nang hindi naghihintay ng kapalit.

Kinilala rin niya na hindi biro na maglaan ng sariling pera, oras at pisikal na pangangatawan sa gitna ng pandemya para makatulong sa iba, habang may pangangailangan din ang mismong sariling pamilya.

Umaasa si Santiago na ngayong unti-unti nang nagluluwag ang mga travel restrictions at nakakabangon na ang ekonomiya, na makasama rin ang mga volunteer na ito sa muling pagbabalik sa normal ng kani-kanilang pamumuhay. (CLJD/SFV-PIA 3)

PHOTO CAPTION:

Tags

Share this post:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *