Pinalawak na feeding programs para sa mga mag-aaral, sisimulan ngayong taon

Kasabay ng pagbubukas ng School Year 2026-2027, inihayag ni Senator Win Gatchalian na ipatutupad ngayong taon ang pinalawak na feeding programs sa mga pampublikong paaralan at Child Development Centers (CDCs) upang makatulong sa paglaban sa malnutrisyon ng mga batang Pilipino.

Sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan ang pamahalaan ng P25.7 bilyon para sa School-Based Feeding Program (SBFP). Pinalawak ang programa upang masaklaw ang lahat ng mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1 sa mga pampublikong paaralan, habang itinaas din ang bilang ng feeding days sa 200 mula sa dating 120.

Tinatayang 4.6 milyong mag-aaral ang makikinabang sa programa, kabilang ang mga learners na classified bilang wasted, severely wasted, stunted, at severely stunted mula Grade 2 hanggang Grade 6.

Samantala, P9.2 bilyon naman ang inilaan para sa Supplementary Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Inaasahang aabot sa 1.8 milyong batang naka-enroll sa mga CDCs at Supervised Neighborhood Play ang matutulungan ng programa, na magkakaroon din ng 200 feeding days mula sa dating 120.

Ayon kay Gatchalian, kabilang sa pinakamahalagang prayoridad ng pinalaking pondo para sa edukasyon ang pagsugpo sa gutom at malnutrisyon upang matiyak na mas handa ang mga bata sa pag-aaral at pagkamit ng kanilang mga pangarap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *