Bigas at food packs ipinamahagi sa TODA members sa Masantol

Nagkaloob ang lokal na pamahalaan ng Masantol ng tulong sa mga tricycle driver na hindi nakasama sa nakaraang payout dahil sa kakulangan ng driver’s license.

Ayon sa ulat, 605 miyembro ng TODA ang hindi nakatanggap ng cash assistance, kaya agad na umaksyon ang LGU sa pangunguna ni Mayor Danilo Guintu.

Sa halip, namahagi ang pamahalaang bayan, sa pamamagitan ng MDRRM Fund, ng tig-5 kilong bigas at food packs sa mga apektadong driver bilang pansamantalang tulong sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Dagdag pa rito, sinabi ng alkalde na makikipag-ugnayan siya sa Land Transportation Office upang maglagay ng satellite registration sa bayan, na layong mapalapit ang serbisyo para sa mga nais kumuha ng lisensya.

Pinangunahan ni Guintu ang pamamahagi ng tulong kasama sina MDRRMO Paul Magat, MSWDO Mary Rose Silva, at GSO E.J. Fernando Viray sa ginanap na aktibidad sa municipal grounds noong Abril 28, 2026.

Ayon sa LGU, bagama’t hindi ito katumbas ng ₱5,000 cash assistance, inaasahang makatutulong ang ipinamahaging ayuda sa mga tricycle driver.

Share this post:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *