Tatlong proyektong pangkabuhayan ang ipinagkaloob ng Department of Science and Technology o DOST sa sektor ng lesbian, gay, bisexual, transgender and queer o LGBTQ plus sa bayan ng Bulakan.
Ang nasabing mga proyekto ay bahagi ng Community Empowerment thru Science and Technology o CEST ng ahensya na umaabot ng halagang 2.1 milyong piso na ibinaba sa pamahalaang bayan.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, kabilang sa mga labis na tinamaan ng pandemya ng COVID-19 ang mga LGBTQ plus na ang kabuhayan ay Personal Care Services. Itinuturing na non-essential ang mga ganitong serbisyo ngayong pandemya lalo na kung nasa mataas na antas ng community quarantine o alert level.
Dahil sa pagkakahinto ng maraming mga okasyon na pangunahing kliyente ng Personal Care Services, nahinto rin ang kanilang mga hanapbuhay gaya ng make-up at hair style.
Kaya naman ang mga proyektong ibinigay ay pawang sa ilalim ng CEST ay pawang mga essentials upang magkaroon agad ng pagkakitaan. Pangunahing benepisyaryo nito ang Solid and Independent LGBTQ of Bulakan Inc. o SILBI na kinabibilangan ng nasa 50 na kasapi.
Una rito ang Production Facility for Health, Beauty and Wellness Products na ilalagak sa isang espasyo sa bagong tayong Bulakan Evacuation Center na nasa kabayanan.
May mga kasapi rin ng SILBI ang inorganisa upang sanayin sa paggawa ng tocino, longganisa, dumplings at iba pang prinosesong karne.
Sila ang magpapatakbo sa ipapatayong Meat Processing Facility ng DOST na ilalagak sa barangay Bagumbayan.
May hiwalay pang proyekto upang partikular silang sanayin sa paghahanda ng malinis at ligtas na mga pagkain sa pamamagitan ng Food Safety Documentation, Basic Food Hygiene at current Good Manufacturing Practice o cGMP seminars.
Kaugnay nito, tiniyak ni Bulakan Mayor Vergel Meneses na tutulong ang pamahalaang bayan sa mga benepisyaryong LGBTQ plus na madala sa mas malalaking merkado ang kanilang magagawang mga produkto. (PIA 3)