Nagkaloob ang Department of Agriculture o DA ng fuel subsidy card sa mga mangingisda at magsasaka ng mais sa lalawigan ng Zambales.
Humigit kumulang 200 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-tatlong libong piso sa ilalim ng programang Fuel Discount for Farmers and Fisherfolks sa pakikipagtulungan sa Development Bank of the Philippines at Universal Storefront.
Ayon kay DA Secretary William Dar, ang pamimigay ng discount card sa mga kwalipikadong mangingisda at magsasaka ng mais ay inumpisahan sa Zambales.
Sa ilalim ng Special Provision No. 20 ng General Appropriations Act para sa Fiscal Year 2022 o Republic Act 11639, ang halagang 500 milyong piso na nakalaan dito ay dapat gamitin upang magbigay ng diskwento sa gasolina sa mga magsasaka at mangingisda kapag ang average na presyo ng krudo sa Dubai batay sa Mean of Platts Singapore sa loob ng tatlong buwan ay umaabot o lumampas sa 80 dolyar kada bariles.
Ibinahagi rin ni Dar ang isinagawang paglulunsad ng Plant, Plant, Plant Program 2.
Layunin aniya ng programang ito na pagaanin at bawasan ang mga epekto ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya dahil sa krisis sa Ukraine.
Dagdag pa niya, hindi lamang sa crops ang programang ito kasama rin ang fisheries at aquaculture, livestock at poultry dahil nais ng ahensya na pataasin ang level of food production sa bansa.
Nilinaw naman ni Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering Director Ariodear Rico na uunahin sa fuel subsidy ang mga magsasaka ng mais na gumamit ng makinarya sa kanilang produksyon.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Rico ang ilan sa mga kinakailangan para maging kwalipikadong benepisyaryo ng programa.
Ilan sa mga ito ay kinakailangan nagmamay-ari at gumagamit ng sariling makinarya sa agrikultura at pangisdaan o sa pamamagitan ng isang asosasyon o kooperatiba.
Bukod pa rito, dapat rin na rehistrado sa Integrated Boat Registry System ang sasakyang pangisda habang kinakailangan naman magpresenta ng katibayan na pagmamay-ari sa makinaryang pang-agrikultura mula sa isang indibidwal o kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka.
Samanatala, hindi naman kabilang sa fuel program ang mga magsasaka ng palay sapagkat sila ay nakakatanggap na ng limang libong piso sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance.
Binigyang-diin naman ni DA Regional Director Crispulo Bautista, Jr. na ang lahat ng magsasaka at mangingisda ay kailangang magparehistro sa Registry System para sa Basic Sectors in Agriculture upang maisama sa mga programa at proyekto ng ahensya. (PIA 3)