Muling itatayo at isasailalim sa restorasyon ang ginibang bahagi ng lumang istasyon ng Philippine National Railways o PNR sa bayan ng Guiguinto sa Bulacan.
Sa ginawang paglalagak ng panandang pangkasaysayan sa tapat ng ngayo’y nangangalahati na lang na lumang istasyon, sinabi ni PNR Legal Division Manager at Chief of Staff Crissy Ecalnea na pararaanin muna na maikalso sa ibabaw ang mga fabricated concrete girders para sa proyektong North-South Commuter Railways o NSCR at saka sisimulan ang restorasyon.
Ipinaliwanag niya na mahirap isabay ang gagawing restorasyon kung may dadaan sa ibabaw nito kaya’t tinatayang maisakatuparan ito sa mga taong 2022 at 2023.
Tiyak na aniya ito dahil kabilang sa mga rekisito kaya’t nabigyan ng Environmental Compliance Certificate ang NSCR ay ang pagkakaroon ng plano sa preserbasyon ng mga makasaysayang lugar o istraktura na idineklara ng National Historical Commission of the Philippines at National Museum of the Philippines gaya ng naturang istasyon.
Tutulong din ang Japan sa nasabing restorasyon mula sa alokasyon na bahagi ng 93 bilyong pisong Official Development Assistance para sa NSCR Phase 1.
Kasalukuyang nirerepaso kung magkano ang aabutin upang maipreserba ang mga dating istasyon na tatahakin ng NSCR Phase 1 sa Malolos, Guiguinto, Bigaa-Balagtas, Meycauayan, Polo-Valenzuela, Caloocan at Tutuban.
Isa ang dating istasyon ng Guiguinto na naitayo at nabuksan noong Marso 24, 1891 na matatagpuan sa Poblacion. Napapalibutan ito ng mga barangay ng Tuktukan Tabe at Malis.
Inilahad ni Billy Joe Marciano, ang mananaliksik sa kasaysayan ng lumang istasyon ng Guiguinto sa idinaos na Sineliksik Bulacan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office, na makakapal ang mga pader nito na may sukat na tatlong talampakan na gawa sa pulang brick tile.
Dati itong dalawang palapag na may limang malalaking pintuang bukas at may arko na nakaharap sa noo’y riles ng tren. May nakakabit pa itong silungan o shed para sa mga pasaherong naghihintay ng tren.
Mula nang mahinto ang operasyon ng PNR sa hilagang linya nito noong 1989, nagsimula nang tirahan ng mga taong walang sariling bahay ang nasabing lumang istasyon.
Nang magsimula naman ang malawakang demolisyon para sa planong buhayin ang riles at biyahe ng mga tren noong 2005, giniba rin ang higit sa kalahating bahagi ng lumang istasyon. Dalawang pintuan na lamang nito ang natitira sa kasalukuyan.
Kaya’t sa pagkakalagak ng panandang pangkasaysayan dito, lalong matitiyak na hindi magigiba ang natitirang orihinal na istraktura at magbubunsod na matuloy ang restorasyon ng mga nagibang bahagi.
Sa lugar na ito naganap noong Mayo 27, 1898 ang isa sa mga brutal na labanan noong rebolusyon laban sa mga Kastila.
May mahigit 200 mga Katipunerong taga-Guiguinto sa pangunguna ni Kapitan Inocencio Tolentino, ang lumusob sa lumang istasyon na ito habang naghihintay ng tren ang mga prayle at ilang matataas na opisyal na Kastila.
Napatay ang mga prayleng sina Fray Leocadio Sanchez, Fray Miguel Vera at Fray Francisco Renedo at nakaligtas ang sugatang si Francisco Giron.
Ang mga Kastilang opisyal na sina Senyor Pastrana ay nadampot at itinali sa likod ng Kabayo para makaladkad hanggang mamatay. Itinapon naman sa ilog ng Guiguinto ang napatay si Senyor Medina.
Samantala, binigyang diin ni Gobernador Daniel Fernando na minarapat ng Kapitolyo na ipagdiwang ang payak na Singkaban Festival 2021, na walang masyadong maraming tao, sa pamamagitan ng pagsisimulang malagyan ng mga panandang pangkasaysayan ang mga lugar na natukoy na important cultural property at national historical landmark. (PIA 3)