Kauna-unahang corn derby ginanap sa Gitnang Luzon
Isinagawa ng Department of Agriculture (DA) Regional Office 3, kaagapay ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Pampanga, ang kauna-unahang corn derby sa Gitnang Luzon sa Brgy. Anao, Mexico, Pampanga.

Ito ay nilahukan ng anim (6) na seed company mula sa buong rehiyon, kabilang dito ang Advanta Seeds Philippines, Asian Hybrid Seed Technologies, Inc., Syngenta Philippines, Inc., Bioseed Research Philippines, Inc., Corteva Agriscience, at Bayer Crop Science.

Ayon kay Melody Nombre, regional report officer ng Corn Program ng DA-RO3, layon ng kumpetisyon na alamin kung aling yellow corn seed variety ang may pinakamasaganang ani at pinakamataas na kita.
Sa tulong ng mga taga-pamahala ng Corn Program, kinilala ang mga kumpanyang nanguna sa nasabing kumpetisyon.

Para sa kategoryang top yield performers, nanguna ang yellow corn seed variety na DK828S ng Bayer Crop Science na nakakuha ng 8.42 mt/ha; sinundan ito ng H102 ng Bioseed Research Philippines, Inc. na nakakuha ng 7.99mt/ha; at, P3585YHR ng Corteva Agriscience na nakakuha naman ng 7.75 mt/ha.

Nanguna rin ang Bayer Crop Science sa katergoryang Highest Net Income Generated per Hectare na nakakuha ng P59,513; pumangalawa rito ang Bioseed Research Philippines, Inc. na may P57,747; at, ang PAC 339 ng Advanta Seeds Philippines na may P53,727.

Samantala, tanging ang Advanta Seeds Philippines lamang ang nakakuha sa kategoryang Highest Shelling Recovery.
Dumalo at nagpakita rin ng suporta si 3rd District Board Member Ananias “Jun” Canlas, Jr., na siya ring tumatayong chairperson ng Committee on Agriculture and Food, sa aktibidad.

“Napakahalaga ng pagsasagawa ng ganitong klase ng kumpetisyon, lalo na para sa mga lokal na magsasaka ng probinsiya,” ani BM Canlas.

Sa pagtutulungan ng pribadong sektor at ng gobyerno, sinisiguro natin na nabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na magsasaka na gumanda ang kanilang ani,” ani Board Member Canlas.
Larawan:Jun Jaso / Pampanga PIO