Search
Close this search box.
Search
Close this search box.

Lingkod Pag-IBIG on Wheels, magtutungo sa mga lugar na matinding naapektuhan ng bagyong Karding

Magtutungo ang Lingkod Pag-IBIG on Wheels sa mga lugar na matinding naapektuhan ng nagdaang Bagyong Karding.

Ayon kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, ang orihinal na konsepto ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels ay makapaghatid ng tulong at serbisyong kailangan ng mga miyembrong nasalanta ng kalamidad upang mailapit ang lahat ng mga programa ng ahensiya tulad ang pagpapasa ng aplikasyon para sa Calamity Loan Program, Multi-Purpose Loan, at Provident Benefit Claims.

Dito ay maaari ding magparehistro bilang miyembro, malaman ang savings o records, at iba’t-ibang benepisyong hatid ng Pag-IBIG Fund.

Sa buong linggong ito mula Nobyembre 7 hanggang 11 ay pupuntahan ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels ang mga bayan ng Gabaldon, Pantabangan, Peñaranda sa lalawigan ng Nueva Ecija at bayan ng Dingalan sa Aurora.

Naka-iskedyul na pupuntahan ng tanggapan sa susunod na linggo, Nobyembre 14 hanggang 18 ang mga bayan ng General Tinio, Jaen, San Antonio, San Isidro, at Cabiao sa Nueva Ecija.

Inaanyayahan ni Pasaraba ang mga residente sa mga kalapit bayan at siyudad ng mga nabanggit na lugar na tangkilikin at sulitin ang pagbaba ng mga programa ng Pag-IBIG Fund.

Samantala, inanunsiyo din ni Pasaraba na patuloy tumatanggap ng aplikasyon ang ahensiya para sa mga nais mag-avail ng Calamity Loan na bukas hanggang sa Disyembre 24,2022.

Ang mga kwalipikadong mag-aplay sa Calamity Loan Program ng Pag-IBIG Fund ay ang may 24 na buwan o dalawang taon ng miyembro ng Pag-IBIG Fund na residente sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa pananalasa ng bagyong Karding tulad ang buong lalawigan ng Nueva Ecija at bayan ng Dingalan sa Aurora.

Inilalapit ng Pag-IBIG Fund Cabanatuan sa pamamagitan ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels ang mga serbisyong kailangan ng mga miyembro at nais pa lamang maging miyembro, tulad sa mga lugar na matinding naapektuhan ng nagdaang bagyong Karding. (Pag-IBIG Fund Cabanatuan)

Ayon pa kay Pasaraba, ang kwalipikadong miyembro ay maaaring makahiram ng nasa 80 porsyento ng kanilang regular savings na may pinakamababang interest rate na 5.95% per annum at may tatlong buwang grace period na babayaran sa loob ng dalawang taon.

Tulad ang ibang programa ng Pag-IBIG Fund ay magaan na lamang ang pagpapasa ng aplikasyon para sa calamity loan kahit hindi na magtungo sa mismong branch.

Ito ay maaaring ipasa sa pamamagitan ng online o virtual Pag-IBIG, o kaya ay sa mga fund coordinator o liaison officer na itinalaga sa bawat employer na sila namang magdadala sa Pag-IBIG branch.

Naglagay na din ng mga drop boxes ang Pag-IBIG Fund sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan, iba’t ibang sangay ng gobyerno nasyonal, mga pamantasan, at pribadong kumpanya sa lalawigan na regular pinupuntahan ng ahensiya.

Paglilinaw ni Pasaraba, maaari pa din namang personal na magtungo sa kanilang opisina o kaya ay sa Members Services Desk sa lungsod ng San Jose upang personal na makagpag-aplay sa programa gayundin sa mga naka-iskedyul na pagtungo ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels sa mga lokalidad.

Sa pamamagitan ng mga inisyatibong ito ay hangad ng tanggapan na mas mailapit ang mga serbisyo ng ahensiya sa mas madaling paraan nang hindi na mahirapan pa ang mga miyembro. (CLJD/CCN-PIA 3)

PHOTO CAPTION:

Share this post:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *