Mahigit 1,280 senior citizens mula sa Mexico ang tumanggap ng ₱3,000 quarterly payout para sa ikalawang quarter ng taon sa ilalim ng programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region III.
Pinangunahan ni Rodencio Gonzales ang pamamahagi ng ayuda, kasama sina Councilor Ar. Ariel Bonus at Councilor Ludet Sicat, upang matiyak ang maayos at organisadong payout para sa mga benepisyaryo.
Naging maayos ang distribusyon sa tulong ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), sa pangunguna nina Mr. Fernando Vital at MSWD Officer Sharmaine Pabustan-Sigua, katuwang ang Municipal Treasurer’s Office sa ilalim ni Acting Municipal Treasurer Rona Bianca Sarmiento.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Gonzales ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan at kapakanan ng mga senior citizen bilang pundasyon ng matatag na pamilya at komunidad.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa Department of Social Welfare and Development Region III sa pamumuno ni Regional Director Venus Rebuldela para sa patuloy na suporta sa mga programa para sa mga nakatatanda.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang naturang payout ay bahagi ng patuloy na malasakit at serbisyo ng LGU sa mga senior citizen ng Mexico, katuwang ang iba’t ibang ahensya para sa inklusibong pag-unlad at mas maayos na pamumuhay ng mga nakatatanda.








