Nakatakda nang ilipat sa mas maayos na pabahay sa Pampanga ang 72 pamilyang naapektuhan ng konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project sa ilalim ng programang pabahay ng Department of Transportation.
Ang relocation program ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabigyan ng libre at disenteng tirahan ang mga pamilyang maaapektuhan ng malalaking proyekto ng gobyerno.
Ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez, inilipat ang mga project-affected persons (PAPs) upang bigyang daan ang konstruksyon ng NSCR, isang major railway system na magdudugtong sa Clark International Airport sa Pampanga at Calamba, Laguna.
“Tinitiyak natin na ang lilipatang bahay ng mga benepisyaryo ay maayos ang pagkagawa, ligtas, accessible sa transportasyon, at malapit sa palengke at eskwelahan. Ito rin ay kumpleto sa community facilities. Bagong bahay at bagong buhay ang handog natin sa mga lilipat na pamilya,” ani Lopez.
Samantala, sinabi ni Assistant Secretary for Right of Way and Site Acquisition IC Calaguas na ang 72 pamilya ay lilipat sa San Fernando View Residences Phase 1 sa Barangay Panipuan, Mexico, Pampanga.
Ayon kay Calaguas, kasama mismo ang mga benepisyaryo sa “punchlisting” process upang tiyakin na maayos ang kanilang housing units at mga pasilidad sa relocation site bago sila tuluyang lumipat.
Ang San Fernando View Residences Phase 1 ay binubuo ng 288 housing units sa apat na gusali. Ang four-storey low-rise community ay itinayo ng DOTr katuwang ang National Housing Authority.
Nagpasalamat naman ang ilang benepisyaryo sa pabahay program ng gobyerno.
Ayon kay Cyril Villanueva, malaking ginhawa para sa kanilang pamilya ang pagkakaroon ng sariling bahay matapos ang matagal na pag-upa.
“Dati mahirap po, ngayon mas maganda ang takbo ng buhay namin kasi ‘di na kami nahirapan mangupa,” ani Villanueva.
Samantala, sinabi ni Teresita Dacasin na malaking tulong ang bagong tahanan para sa kanya at sa kanyang anak na may kapansanan.
“Wala po akong nakitang mali, okay po siyang lahat. Excited na kaming makalipat na mag-ina,” aniya.







