Naglabas ng panibagong alituntunin ang pamahalaang panlalawigan ng Zambales kasunod ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Kabilang ito sa mga isinailalim sa Alert Level 3 mula Enero 9 hanggang Enero 15.
Ayon kay Governor Hermogenes Ebdane Jr., nakapaloob sa Memorandum Circular No. 2022-03 ang mga guidelines na ipapatupad sa lalawigan simula nitong Linggo.
Alinsunod dito, ang mga menor de edad ay hinihikayat na huwag munang lumabas ng bahay.
Hinihikayat din hanggat maari ay iwasan ang mga pagtitipon tulad ng fiesta, birthday at kasal.
Para naman sa mga lamay, mga miyembro lamang ng pamilya ang papayagan at tatagal ito ng hanggang tatlong araw.
Kaugnay nito, nililimitahan naman sa 30 porsyento capacity sa indoor at 50 porsyento sa outdoor ang mga religious gathering at kinakailangan ay mga fully vaccinated ang mga dadalo.
Ipagpapaliban din muna ang nakatakda sanang face-to-face classes sa elementarya at sa President Ramon Magsaysay State University.
Paglilinaw naman ng gobernador na maaaring lumabas ang mga indibidwal na nakakumpleto na ng kanilang dalawang dose ng bakuna anuman ang edad basta’t magdala lamang ito ng vaccination card bilang katibayan na awtorisado itong lumabas habang ang mga hindi bakunado ay papayagan ngunit sa limitadong oras lamang.
Bilang paghahanda sa banta ng Omicron variant, ibinalita ni Ebdane na may stock pang mga gamot at umorder pa ang kapitolyo ng 30,000 capsules na gamot na Molnupiravir.
Mayroon din aniya na mga nakatalagang gusali para sa mga pasyenteng may COVID kung sakali at isang katatapos na gusali bilang reserba na kayang mag-accomodate ng karagdagang 38 na pasyente.
Samantala, patuloy naman na hinihikayat ni Ebdane na sumunod sa mga minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask, social at physical distancing, at palagiang paghuhugas ng kamay. (CLJD/RGP-PIA 3)
PHOTO CAPTION:
Si Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. (Reia G. Pabelonia/PIA 3)