Search
Close this search box.
Search
Close this search box.

Pagiging Best PESO ng Bulacan, inihandog kay Blas Ople

Inialay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kay dating Senate President at Labor Secretary Blas Ople ang muling pagkilala sa Provincial Public Employment Service Office (PESO) bilang ‘Best Performing PESO’ sa pagpapatupad ng mga job fair, kasabay ng ika-99 na anibersaryo ng kanyang kapanganakan.

Ang tubong Hagonoy na si Ople ay nagsilbi bilang Pangulo ng Senado, Kalihim ng Ugnayang Panlabas, at Kalihim ng Paggawa at Empleo, kung saan kanyang binuo ang Labor Code of the Philippines.

𝑈𝑚𝑎𝑎𝑏𝑜𝑡 𝑠𝑎 48 𝑎𝑝𝑙𝑖𝑘𝑎𝑛𝑡𝑒 𝑎𝑛𝑔 ‘ℎ𝑖𝑟𝑒𝑑-𝑜𝑛-𝑡ℎ𝑒-𝑠𝑝𝑜𝑡’ 𝑠𝑎 𝑔𝑖𝑛𝑎𝑛𝑎𝑝 𝑛𝑎 𝑗𝑜𝑏 𝑓𝑎𝑖𝑟 𝑘𝑎𝑢𝑔𝑛𝑎𝑦 𝑛𝑔 𝐴𝑟𝑎𝑤 𝑛𝑖 𝐵𝑙𝑎𝑠 𝑂𝑝𝑙𝑒 𝑠𝑎 𝐵𝑢𝑙𝑎𝑐𝑎𝑛. 𝑆𝑖 𝑂𝑝𝑙𝑒, 𝑛𝑎 𝑡𝑢𝑏𝑜𝑛𝑔 𝐻𝑎𝑔𝑜𝑛𝑜𝑦, 𝑎𝑦 𝑛𝑎𝑔𝑠𝑖𝑙𝑏𝑖 𝑏𝑖𝑙𝑎𝑛𝑔 𝑆𝑒𝑛𝑎𝑡𝑒 𝑃𝑟𝑒𝑠𝑖𝑑𝑒𝑛𝑡, 𝐾𝑎𝑙𝑖ℎ𝑖𝑚 𝑛𝑔 𝑈𝑔𝑛𝑎𝑦𝑎𝑛𝑔 𝑃𝑎𝑛𝑙𝑎𝑏𝑎𝑠, 𝑎𝑡 𝐾𝑎𝑙𝑖ℎ𝑖𝑚 𝑛𝑔 𝑃𝑎𝑔𝑔𝑎𝑤𝑎 𝑎𝑡 𝐸𝑚𝑝𝑙𝑒𝑜, 𝑎𝑡 𝑠𝑖𝑦𝑎𝑛𝑔 𝑛𝑎𝑔𝑏𝑎𝑙𝑎𝑛𝑔𝑘𝑎𝑠 𝑛𝑔 𝐿𝑎𝑏𝑜𝑟 𝐶𝑜𝑑𝑒 𝑜𝑓 𝑡ℎ𝑒 𝑃ℎ𝑖𝑙𝑖𝑝𝑝𝑖𝑛𝑒𝑠. (Bulacan PPAO)

Sa pagdiriwang, pormal na tinanggap ni PESO Head Egbert Robles ang parangal mula sa PESO Managers Association of Bulacan at Department of Labor and Employment (DOLE).

Isa sa mga pangunahing batayan ng pagkilala ang tuloy-tuloy at buwanang pagsasagawa ng job fairs sa lalawigan, alinsunod sa direktiba ni Gobernador Daniel Fernando. Simula noong 2019, isinagawa ang buwanang job fairs upang mas mapalawak ang oportunidad sa trabaho at hanapbuhay ng mga Bulakenyo.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, indikasyon din ito ng patuloy na pagpasok ng mga bagong pamumuhunan sa lalawigan.

Noong 2025, umabot sa 148 ang hired-on-the-spot (HOTS) sa walong pangunahing job fairs na isinagawa. Samantala, ngayong 2026 ay nadagdagan pa ito ng 48 HOTS mula sa job fair na ginanap ngayong Pebrero kasabay ng paggunita sa Araw ni Ople, kung saan tinatayang dalawang libong trabaho ang binuksan.

Paliwanag ni Robles, hindi lamang ito simpleng pag-aalok ng trabaho kundi nagsisilbi ring mekanismo upang matulungan ang mga aplikanteng hindi agad natanggap na makumpleto ang kanilang mga dokumento at maipasa sa iba’t ibang training programs.

Isa rin sa mga tampok sa 2026 Ople Day Job Fair ang “One-Stop Shop Government Services” kung saan maaaring direktang makakuha ng serbisyo ang mga aplikante para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.

Kabilang sa mga ahensyang nagbigay ng serbisyo ang Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon naman kay Gobernador Fernando, dahil sa patuloy na pagsasagawa ng job fairs, kabilang ang Bulacan sa may pinakamaraming may trabaho sa bansa, na umaabot sa 1.6 milyong indibidwal. Naitala rin ng PSA na nasa humigit-kumulang ₱174,000 ang average na taunang kita sa lalawigan.

Share this post:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *