380 pang mangingisda sa Pampanga, pinagkalooban ng Fuel Discount Card
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — Nagkaloob ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ng fuel subsidy discount card sa karagdagang 380 mangingisda sa Pampanga.
Ayon kay BFAR Regional Director Wilfredo Cruz, tumanggap ang bawat benepisyaryo ng tig-tatlong libong pisong halaga ng ayuda sa ilalim ng programang Fuel Discount for Farmers and Fisherfolks sa pakikipagtulungan sa Development Bank of the Philippines at Universal Storefront.
Matatandaan na nauna ng nagkaloob ang BFAR ng fuel subsidy card sa 60 mangingisdang nasa coastal towns sa paglulunsad ng nasabing programa sa lalawigan.
Samantala, 300 pang benepisyaryo ang nakatakdang makatanggap ng ayuda sa mga susunod na linggo.
Sa kabuuan, mahigit sa pitong libong mangingisda na ang naging benepisyaryo ng programa sa Gitnang Luzon.
Layunin nito na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa lokal na industriya ng pangingisda. (CLJD/MJSC-PIA 3)