Sharon, binura ang IG post vs. Panelo matapos umani ng batikos
Matapos bombahin ng batikos, binura ni Sharon Cuneta ang post niya sa Instagram tungkol sa pagkadismaya ng megastar sa pag-awit ni senatorial candidate Salvador Panelo ang kanyang hit song na “Sana’y Wala ng Wakas”.
“I allow its use only for Leni-Kiko! LOL. Utang na loob baka bumangon si Willy (Cruz, composer) nakakahiya naman sa amin! Kinilabutan ako. In a bad way. LOL,” ani Sharon sa kaniyang Instagram post na ngayon ay burado na.
Inawit ni Panelo ang sikat na OPM hit song sa isang community event na isinagawa ni vice-presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte sa Quezon City noong, Huwebes Marso 10, 2022.
Dumepensa naman si Panelo sa nasabing IG post at sinabing: “I was just trying to entertain the people who took time out of their busy lives to see and listen to us. I don’t understand what’s so offensive about that.”
Pinaliwanag ni Panelo na may “full permission” siya sa copyright owner ng Viva Records para kantahin ang kanta.
Ang awitin ay inihahandog ni Panelo sa kanyang anak na may Down Syndrome na pumanaw noong 2017 dahil sa sakit sa puso.
“I am sorry she feels that way. It’s one of my favorite songs because it reminds me of the great lengths I took to care for my late son, Carlo, who had Down Syndrome. I honor him each time I sing the song,” wika ng dating chief presidential legal counsel.
Dagdag ni Panelo na siya ay Sharonian.
Isa sa mga panukala ni Panelo na kung sakaling siya ay palaring manalo ay magtatayo ng institution na kakalinga sa mga batang may Down Syndrome.
Samu’t sari ang naging reaksiyon ng mga netizens, lalo na ang mga supporters ni Panelo. Naging negatibo ang epekto ng post na ito para kay Sharon.
Anang isang netizen, si Sharon daw ay “negastar” at bakit daw siya nagagalit.
“Eh paano daw if gusto nilang kantahin sa videoke? Kailangan pa daw bang humingi sa kanya ng permiso?”
Tinawag din “negatron” si Sharon at sinasabing huwag mamolitika.

Matapos mabura ang post ay nag post na lamang ang singer-actress na: “From now on, GOOD VIBES ONLY!!!”.
Photos: Sharon Cuneta IG/ Google photo file












