Nagbabala ang Angeles City Traffic Development Office (ACTDO) laban sa pangingisda at pagkuha ng lamang-ilog sa Abacan River matapos makahuli ng mga indibidwal na nangingisda sa bahagi ng Barangays Balibago at Pandan.
Binigyang-diin ng ACTDO na delikado ang pangingisda lalo na ngayong patuloy ang pag-ulan dahil maaaring biglang tumaas ang tubig at lumakas ang agos, na maaaring mauwi sa aksidente o pagkalunod.
Bukod dito, iniulat ng City Health Office na nakitaan ng mataas na antas ng ammonia, nitrates, phosphate, oil and grease, at iba pang pollutants ang ilog batay sa laboratory analysis. Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha, pagbebenta at pagkain ng anumang aquatic resources mula sa Abacan River.
Pinaalalahanan din ang publiko na protektado sa ilalim ng Republic Act No. 9147 ang mga migratory birds at iba pang wildlife, kaya ilegal ang kanilang paghuli, pagbebenta o pag-aalaga nang walang kaukulang permit.
Hinikayat ng ACTDO ang mga Angeleño na huwag ipagsapalaran ang kaligtasan at kalusugan at agad i-report ang anumang paglabag sa mga kinauukulang tanggapan.



