Matapos ang magdamagang pagmomonitor sa epekto ng Super Typhoon Uwan, agad na nagtungo si Mabalacat City Mayor Gerald Guttrie “Geld” Aquino sa mga evacuation site kinaumagahan upang personal na masuri ang kalagayan ng mga residenteng lumikas.
Tiniyak ni Mayor Aquino na ligtas at maayos ang kondisyon ng mga evacuee sa kabila ng patuloy na masamang panahon. Kasama sina Konsehal Marjorie Sambo at Konsehal Patricia Acroda, namahagi sila ng food packs at agarang tulong sa mga apektadong pamilya.









Katuwang sa mabilis na distribusyon ang MGA Center, City Social Welfare and Development Office, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan na patuloy na nakaantabay sa pangangailangan ng mga evacuee.
Sa kabila ng malalakas na hangin at pag-ulan, nanatiling maayos ang koordinasyon ng Mabalacat LGU. Dahil sa maagap na pagtugon at kooperasyon ng mga Mabalaquenian, walang naiulat na nasawi o nasaktan sa kasagsagan ng bagyo.
Patuloy ang operasyon ng emergency teams upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente hanggang sa tuluyang humupa ang panahon.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Aquino sa mga ahensya at volunteers na walang sawang nagbantay at nagserbisyo sa komunidad. Dagdag niya, malaking bagay ang kooperasyon ng mga residente sa pagsunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.
“Mapalad po ang ating siyudad dahil wala pong naitalang anumang casualty. Maraming salamat po sa inyong dasal at kooperasyon,” pahayag ng alkalde habang nagpapatuloy ang relief operations para sa mga apektadong Mabalaquenians.










