Pormal na ipinagkaloob ng pamilya Ople ang mga aklat at artikulong isinulat ng dating Senate President at Foreign Affairs Secretary Blas F. Ople sa Bulacan Provincial Library bilang bahagi ng paggunita sa kanyang ika-99 na kaarawan.
Pinangunahan ang pormal na turnover ni Susane Laurie Ople-Osorio, pangulo ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute Inc. at apo ng dating opisyal. Tinanggap naman ito ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan. May mga sipi rin na ipinamahagi sa mga dibisyon ng Department of Education sa Bulacan at Malolos.

Ayon kay Ople-Osorio, layunin ng donasyon na mas mailapit ang mga akda ni Ople sa kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan, guro, at mananaliksik, lalo na sa larangan ng leadership, foreign policy, labor relations, at social security.
Nagsimula ang mahabang karera ni Ople sa paglilingkod-bayan nang makuha siya ni Pangulong Ramon Magsaysay bilang speech writer matapos mapansin ang kanyang husay sa pagsusulat sa isang pahayagan. Kalaunan, hinirang siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. bilang commissioner ng Social Security System at naging ministro ng noo’y bagong tatag na Ministry of Labor and Employment.
Sa kanyang pamumuno, nabuo ang Presidential Decree 442 o ang Labor Code of the Philippines of 1974, na nananatiling umiiral hanggang sa kasalukuyan. Naging daan din ito upang mabuksan ang mas maraming oportunidad sa mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa at maitatag ang Philippine Overseas Employment Administration, na ngayon ay Department of Migrant Workers.
Sa administrasyon ni Pangulong Corazon Aquino, naging kasapi si Ople ng 1986 Constitutional Commission na bumalangkas sa 1987 Konstitusyon. Nagsilbi rin siyang senador mula 1992 hanggang 2002, at naging Senate President mula 1999 hanggang 2000.
Kabilang sa mga sinuportahan niyang mahahalagang polisiya ang ratipikasyon ng pagsapi ng Pilipinas sa World Trade Organization at ang Philippines-United States Visiting Forces Agreement.
Nang maging kalihim siya ng Department of Foreign Affairs sa ilalim ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, isinulong ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement, ang pagpapadala ng humanitarian troops sa Iraq War, ang pagkilala sa Pilipinas bilang Major Non-NATO Ally ng Estados Unidos, at ang pagkakaluklok ng bansa sa United Nations Security Council para sa terminong 2004–2005.












