Ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Tarlac ang apat na araw na workweek o compressed workweek simula Marso 9, 2026 hanggang sa susunod na abiso.
Ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 114, Series of 2026 na inilabas ng Office of the President of the Philippines, gayundin sa Executive Order No. 20, Series of 2026 na ipinalabas ng lokal na pamahalaan.






Sa ilalim ng pansamantalang iskedyul, ang mga tanggapan ng city government ay magbubukas mula Lunes hanggang Huwebes, alas-7:30 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng compressed workweek na makatulong sa energy conservation sa gitna ng mga kaganapan sa Gitnang Silangan, mapataas ang kahusayan sa serbisyo, at matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyong publiko.
Gayunman, magpapatuloy ang regular na operasyon ng ilang tanggapan upang matiyak ang agarang serbisyo sa publiko. Kabilang dito ang Tarlac City Health Office kasama ang lahat ng city health centers, dialysis center, at animal bite treatment center.
Mananatili ring bukas ang City Disaster Risk Reduction and Management Office at ang Public Order and Safety Office upang magbigay ng serbisyong pang-emerhensiya at panseguridad.
Para sa mga emergency, maaaring tawagan ang CDRRMO sa 0918-688-0112 o 0927-442-0184. Samantala, para sa mga katanungan ukol sa garbage collection, maaaring makipag-ugnayan sa 0921-930-0047 o sa landline na (045) 470-8647.
Hiniling ng pamahalaang lungsod ang kooperasyon at pag-unawa ng publiko habang ipinatutupad ang naturang hakbang para sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyo sa mga Tarlaqueño.







